TARLAC CITY — Iginiit ni Tarlac Second District Representative Cristy Angeles na wala pang pinal na desisyon o paghatol kaugnay ng reklamong inihain laban sa kanya sa Office of the Ombudsman, matapos niyang linawin na ang kaso ay nasa yugto pa lamang ng preliminary investigation.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Angeles na handa siyang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon at magsusumite ng lahat ng kinakailangang dokumento at paliwanag upang matugunan ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.
Binigyang-diin din ng kongresista na unang termino pa lamang niya bilang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Tarlac. Ayon sa kanya, ang mga flood control project na tinutukoy sa reklamo ay naipatupad bago pa siya mahalal sa Kongreso.
Nanawagan din si Angeles sa publiko na igalang ang umiiral na legal na proseso at huwag agad magbigay ng konklusyon habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
“Patuloy kong gagampanan ang aking mandato bilang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Tarlac at mananatiling nakatuon sa paghahatid ng serbisyo sa aking mga nasasakupan habang hinaharap ang prosesong ito,” ayon sa kanyang pahayag.
Matatandaang inanunsyo ni Ombudsman Samuel “Boying” Remulla noong Hulyo 17 na sinimulan na ng Office of the Ombudsman ang preliminary investigation kaugnay ng umano’y posibleng conflict of interest na kinasasangkutan ni Angeles na may kaugnayan sa ilang flood control projects.
Sa ilalim ng proseso ng Ombudsman, ang preliminary investigation ay isinasagawa upang matukoy kung may sapat na batayan upang magsampa ng pormal na kaso. Hindi ito nangangahulugan ng pagkakasala o pananagutan ng sinumang inirereklamo hangga’t wala pang pinal na desisyon ang kinauukulang awtoridad. (Bonifacio Dacayanan)
