By: Alex Galang
OLONGAPO CITY – Laglag sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Police Station 6 Drug Enforcement Unit (SPDEU) ang isang Special Drug Personality (SLI)-Listed matapos umanong bentahan ng pinaghihinalaang shabu ang isang poseur-buyer sa Abra Street, Barangay Barretto, nitong Miyerkules ng hapon, Agosto 5.
Kinilala ang naarestong suspek na si Jessie Alipio y Guilergan, alyas “Jess,” 47, walang trabaho at residente ng No. 16, 23rd Street, Barangay East Bajac-Bajac, Olongapo City.
Batay sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon dakong alas-3:45 ng hapon sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-032-PRO3-OCPO-PS6.

Sa operasyon, nasamsam mula sa suspek ang tatlong (3) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 2.23 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na ₱15,164.00. Nabawi rin ng mga operatiba ang ₱300.00 na ginamit bilang buy-bust o marked money.
Dinala sa Police Station 6 ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinangunahan ni PMSg Bryan D. Abad, ang Investigator-on-Case, ang pagproseso ng kaso at pagtiyak na nasunod ang lahat ng itinakdang legal na pamamaraan sa paghawak ng mga ebidensya.
Ayon kay PMAJ George Francis B. Molina Administrative Support Unit, Police Station 6, patunay ang matagumpay na operasyon ng patuloy na pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga.
“Hindi tayo titigil sa ating kampanya laban sa ilegal na droga. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon at hinihikayat natin ang publiko na makiisa sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating komunidad,” saad ni PMaj Molina.
Samantala, muling iginiit ng Olongapo City Police Office ang patuloy nitong pagpapatupad ng mga operasyon laban sa ilegal na droga alinsunod sa umiiral na batas at may paggalang sa karapatang pantao.
