By: Alex Q. Galang
OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 27-anyos na vendor matapos umanong makuhanan ng nasa 2.45 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P16,660 sa isang buy-bust operation sa Barangay Barretto nitong Miyerkules ng gabi, Setyembre 30.
Kinilala ni PMAJ George Francis B. Molina ng Police Station 6 (PS6) ang suspek na si Wiljohn Echague y Sanchez, alyas “Babong,” residente ng Barangay Barretto, Olongapo City.
Ayon kay Molina, isinagawa ng PS6 Drug Enforcement Unit (DEU) ang operasyon dakong alas-7:25 ng gabi sa Abra Street bilang bahagi ng kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.

Nasamsam sa operasyon ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may pinagsamang timbang na humigit-kumulang 2.45 gramo at may tinatayang standard drug price na P16,660.
Narekober din ng mga operatiba ang P300 buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Kabilang sa mga naging bahagi ng operasyon si PSSg Rodolfo I. Salazar Jr., na nagsilbing investigating officer (IOC), habang si Pat Mar-J M. Gamay ang nagsilbing POMIS encoder.
Dinala sa PS6 ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Sinabi ni Molina na isasailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiskang substance at ihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek alinsunod sa umiiral na batas at mga proseso ng pulisya.
