By: Juan Deveraturda (Subic PIO)

SAN MARCELINO, Zambales — Mas maayos na paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mga residente ng Barangay Rabanes ang inaasahang resulta ng bagong multi-purpose building na pormal nang pinasinayaan dito.

Pinangunahan ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang turnover at blessing ng bagong barangay hall, kasama sina San Marcelino Vice Mayor Cris “Jimbo” Gongora, Barangay Chairman Conrado Soler at mga miyembro ng Sangguniang Barangay.

Ang bagong gusali ang magsisilbing pangunahing sentro ng mga transaksyon, pagpupulong, programa at iba pang serbisyong pambarangay, kasabay ng pagbibigay ng mas maayos na working space para sa mga kawani.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, matagal nang kailangan ang isang mas angkop na pasilidad upang mapagsama-sama ang mga serbisyo at mapabilis ang pag-asikaso sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente.

Hindi lamang pasilidad ang itinuturing na pakinabang ng proyekto kundi bahagi ito ng pagpapalakas ng frontline government services sa pinakamababang antas ng pamahalaan.

Sinabi ni Khonghun na ang pagpapahusay ng barangay infrastructure ay bahagi ng mga inisyatiba upang mailapit ang serbisyo publiko sa mga komunidad at matiyak na may sapat na pasilidad ang mga barangay para sa kanilang mga tungkulin.

Sa pagkumpleto ng bagong barangay hall, inaasahang magkakaroon ang Rabanes ng mas organisadong lugar para sa administrasyon, community meetings at pagpapatupad ng mga programang direktang nakatuon sa mga residente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *