By: Alex Q. Galang
SUBIC, ZAMBALES — Mas maraming residente ang nabigyan ng pagkakataong maalagaan ang kanilang paningin matapos ihatid ang libreng eye screening, check-up at pasadyang prescription eyeglasses sa Barangay Calapacuan sa Subic at Barangay Kalaklan sa Olongapo City.
Ang programa ay mula sa inisyatiba ni Congressman Jay Khonghun, na naglalayong mailapit sa mga mamamayan ang serbisyong pangkalusugan, partikular sa mga nangangailangan ng pagsusuri sa mata at tamang grado ng salamin.
Sa Barangay Calapacuan, isinagawa ang libreng pagsusuri sa tulong ng mga doktor at optometrist mula Zambales, katuwang ang pamunuan ng barangay sa pangunguna ni Kapitana Titta Alver, kasama ang mga barangay official at staff.
Dinala rin ang programa sa Barangay Kalaklan, Olongapo City, kung saan sumailalim ang mga residente sa eye screening at check-up para matukoy ang tamang grado ng kanilang pasadyang salamin.
Nakiisa rito ang mga doktor at optometrist ng Olongapo at ang pamunuan ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Willy Umali.

Layunin ng programa ni Khonghun na makatulong lalo na sa mga residenteng nangangailangan ng prescription eyeglasses ngunit maaaring nahihirapang maglaan ng dagdag na gastusin para sa pagpapatingin at pagpapagawa ng salamin.
Patuloy namang isinusulong ang pagdadala ng ganitong uri ng serbisyo sa mga komunidad upang mas maraming Zambaleño at Olongapeño ang makinabang.
