By: Sheila Salvana
OLONGAPO CITY — Ipinagmalaki ni Barangay Gordon Heights Chairperson Pricella Enchie Ponge ang pagkilala sa kanilang barangay bilang 2026 BEST BARANGAY (Building Excellence in Service and Transparency) Regional Level Performance Audit Passer ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Central Luzon.
Ayon kay Ponge, ang pagkilala ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng mga opisyal, kawani, volunteers at mga residente sa pagsusulong ng mahusay, transparent at responsableng pamamahala.
Binigyang-diin niya na naging mahalagang bahagi ng pagkamit ng pagkilala ang maayos na dokumentasyon, pagpapatupad ng mga programa at patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga residente.
“Hindi lamang ito isang parangal kundi patunay na ang tapat na pamumuno, mahusay na pamamahala at serbisyong may malasakit ay nagbubunga ng tagumpay. Tagumpay ito ng buong komunidad na patuloy na nakikiisa at nagtitiwala sa mga programa ng barangay,” ani Ponge.

Photo by: Bago at Progresebong Gordon Heights
Nagpasalamat din si Ponge sa DILG Central Luzon Region 3 sa pagkilalang ibinigay sa Barangay Gordon Heights at sa DILG Olongapo City para sa patuloy na paggabay at suporta sa kanilang barangay.
Sinabi ni Ponge na magsisilbing inspirasyon ang pagkilala upang lalo pang pagbutihin ang paghahatid ng serbisyo publiko at pagpapatupad ng mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
“Patuloy nating isusulong ang isang pamamahalang bukas, may pananagutan at nakasentro sa kapakanan ng bawat kabarangay,” dagdag niya.
