By: Gabriel Salvana

OLONGAPO CITY — Matagumpay na inilunsad ang ALPAS 2026: GC at DFA On-Site Passport Assistance Initiative noong Setyembre 12 sa SM City Olongapo Central para mailapit sa mga estudyante, faculty members at administrative staff ng Gordon College (GC) ang passport assistance services.

Pinangunahan ito ng Gordon College–Supreme Student Council (GC-SSC) sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Lokal na Pamahalaan ng Olongapo sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Atty. Rolen C. Paulino Jr.

Sa programa, nabigyan ang mga GCians ng gabay sa passport application process, kabilang ang document checking at iba pang kailangang hakbang para maging mas maayos ang kanilang aplikasyon.

Photo by: Olongapo City Information Center

Ayon kay Mayor Paulino, mahalagang mailapit sa mga kabataan ang mga serbisyong makatutulong sa kanilang paghahanda para sa mas maraming oportunidad.

“Nais nating suportahan ang ating mga kabataan sa bawat pagkakataon na maaari nilang maabot. Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng ALPAS 2026, ginagawa nating mas madali at accessible ang mga serbisyong kailangan nila para makapaghanda sa kanilang mga pangarap at oportunidad sa hinaharap,” ani Paulino.

Layunin ng inisyatiba na matulungan ang mga miyembro ng akademikong komunidad na makapaghanda para sa mga oportunidad na nangangailangan ng passport gaya ng academic exchange, international programs at iba pang overseas activities.

Nakibahagi rin si Mayor Paulino sa aktibidad bilang pagpapakita ng suporta ng lungsod sa mga programang naglalayong gawing mas accessible ang mahahalagang serbisyo para sa kabataan at sektor ng edukasyon.

Sa pagtutulungan ng GC-SSC, DFA at lokal na pamahalaan, naisakatuparan ang ALPAS 2026 bilang hakbang para gawing mas malapit at accessible sa mga GCians ang passport assistance.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *