by: Juan Deveraturda (Subic PIO)
SUBIC, Zambales — Isinagawa ng Municipal Tourism Office of Subic ang Filipino Brand of Service Excellence (FBSE) Training noong Miyerkules, Setyembre 23, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Tourism Month sa bayan.
Dinaluhan ang pagsasanay ng mga kinatawan mula sa mga hotel at resort, tour guides, miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), tourist police at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Nagsilbing resource speakers sina Erwin Joshua S. Salta at Dr. Jay A. Aquino, kapwa Department of Tourism (DOT)-accredited trainers, na nagbahagi ng kaalaman at praktikal na pamamaraan sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyo at paglikha ng positibong karanasan para sa mga bisita.

Photo by: Subic PIO
Sa mga talakayan, aktibidad at pagbabahagi ng karanasan, binigyang-diin ang kahalagahan ng mga simpleng paraan ng mahusay na serbisyo, kabilang ang magiliw na pagtanggap sa mga bisita, paggalang, maagap na pagtugon, pag-aalok ng tulong at pagpapakita ng malasakit.
Isinagawa ang aktibidad sa suporta ng administrasyon ni Mayor Jon Khonghun, sa pamamagitan ng Municipal Tourism Office, katuwang ang Provincial Tourism and Investment Promotion Office (PTIPO) ng Zambales at ang Department of Tourism – Region III.
Ang pagsasanay ay nagsilbing pagkakataon para sa mga tourism stakeholders na mapalalim ang kanilang kaalaman sa mga pamantayan ng Filipino Brand of Service Excellence at maibahagi ang mga ito sa kanilang kani-kanilang larangan ng serbisyo.
