Photo by: Municipality of Morong Bataan
MORONG, Bataan — Pinalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Morong ang pagsusulong ng dekalidad at ligtas na produksyon ng kasuy matapos kilalanin ang 17 local cashew growers na matagumpay na nakasunod sa pamantayan ng Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP), isang hakbang na inaasahang magpapataas sa market competitiveness ng kanilang mga produkto.
Ang mga magsasaka ay ginawaran ng Plaque of Recognition bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa mga pamantayan ng PhilGAP, na naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng pagkain, pangangalaga sa kapaligiran, at pagpapatupad ng sustainable farming practices upang mapataas ang kalidad at halaga ng mga produktong agrikultural.
Kasabay nito, tumanggap ng Certificate of Appreciation ang Office of the Municipal Agriculturist (OMA)-Morong bilang pagkilala sa matagumpay nitong pagpapatupad ng programa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Agriculture–Regional Field Office III (DA-RFO III) at Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Bataan.

Photo by: Municipality of Morong Bataan
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pagkilalang ito ay bunga ng matatag na ugnayan ng mga pambansa at lokal na ahensiya sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga magsasaka sa makabagong teknolohiya at mga pamantayan sa produksyon na mahalaga upang maging mas kompetitibo ang mga produktong agrikultural sa lokal at mas malawak na pamilihan.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang LGU ng Morong sa DA-RFO III at OPA Bataan sa patuloy na pagbibigay ng teknikal na suporta, pagsasanay, at gabay na naging mahalaga sa matagumpay na implementasyon ng PhilGAP sa bayan.
Kinilala rin ang patuloy na suporta ni Mayor Hon. Leila G. Linao-Muñoz, na patuloy na nagsusulong ng mga programang nagpapalakas sa sektor ng agrikultura at nagpapabuti sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Binigyang-diin ng pamahalaang bayan na ang pagkilala sa 17 cashew growers ay hindi lamang tagumpay ng mga indibidwal na magsasaka kundi isang mahalagang hakbang sa pagpapaunlad ng industriya ng kasuy sa Morong. Sa pamamagitan ng pagsunod sa PhilGAP, inaasahang mas mapapalawak ang access ng kanilang mga produkto sa mas mataas na uri ng merkado, habang pinatitibay ang layunin ng pamahalaan na isulong ang isang ligtas, dekalidad, at napapanatiling sektor ng agrikultura.
