Ulat ni: Bonifacio Dacayanan

SANTIAGO CITY — Mas pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) Santiago City District at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kampanya laban sa mga fixer matapos madakip ang isang hinihinalang sangkot sa ilegal na pag-aalok ng mabilisang pagproseso ng lisensya kapalit ng pera.

Ayon sa LTO, bahagi ang operasyon ng mas malawak na hakbang upang protektahan ang publiko laban sa panlilinlang at tuluyang linisin ang sistema ng ahensya mula sa katiwalian at ilegal na transaksyon.

Pinangunahan ni LTO Santiago City District Head Dennis Buendia ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad kasunod ng sunod-sunod na reklamong natatanggap laban sa mga nagpapakilalang “fixer” sa paligid ng tanggapan.

Batay sa imbestigasyon, inalok umano ng suspek ang isang indibidwal ng mabilis na pagproseso ng lisensya kapalit ng bayad. Sa isinagawang entrapment operation, agad siyang inaresto matapos tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer.

Binigyang-diin ni Buendia na walang empleyado ng LTO ang awtorisadong makipagtransaksyon sa labas ng tamang proseso at walang katotohanan ang sinasabing koneksyon ng mga fixer sa loob ng opisina.

Aniya, “Ang mga fixer ay nananamantala lamang sa kagustuhan ng publiko na mapadali ang proseso. Hindi sila bahagi ng opisina at wala silang kakayahang magbigay ng legal na serbisyo.”

Sinabi rin ng opisyal na patuloy ang pakikipagtulungan ng LTO sa kapulisan upang mapanagot ang mga sangkot sa ganitong gawain at mapanatili ang integridad ng serbisyo publiko.

Ang operasyon ay alinsunod sa kampanya kontra katiwalian ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa ilalim ng pamumuno ng Department of Transportation (DOTr) at LTO Central Office.

Muling pinaalalahanan ng LTO ang publiko na dumaan lamang sa legal at wastong proseso sa pagkuha ng mga dokumento at iwasan ang pakikipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong indibidwal upang hindi mabiktima ng panloloko at dagdag na gastusin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *