Photo by: Mayor Anne Adorable-Inton

HERMOSA, Bataan — Pinatibay ng lokal na pamahalaan ng Hermosa ang disaster response capability ng mga barangay matapos mamahagi ng rescue boats at megaphones para sa mabilis na pagtugon sa pagbaha at iba pang emergency, ayon kay Mayor Anne Lorraine Adorable – Inton.

Noong Setyembre 16, ipinamahagi ang mga rescue boat sa Barangay Balsik, Bamban, at Saba, na gagamitin ng mga tauhan ng Bantay Dagat sa pagsasagawa ng rescue operations at pagtugon sa mga insidente, partikular sa panahon ng pagbaha.

Ayon kay Inton, mahalaga ang pagkakaroon ng rescue boats sa mga barangay upang mapabilis ang pagresponde at pagsagip sa mga residenteng maaaring ma-stranded o mangailangan ng agarang tulong sa panahon ng sakuna.

Photo by: Mayor Anne Adorable-Inton

Kasabay nito, namahagi rin ang munisipyo ng megaphone sa lahat ng barangay upang magsilbing pangunahing kagamitan sa pagpapalabas ng mga abiso, pagbibigay ng babala at pagpapadali ng koordinasyon sa panahon ng emergency at rescue operations.

“Ang mga kagamitang ito ay mahalaga para mas mabilis nating maabot, maabisuhan at matulungan ang ating mga kababayan, lalo na kapag may pagbaha o iba pang emergency,” ani Inton.

Binigyang-diin ng alkalde na ang pagpapalakas ng disaster preparedness sa antas-barangay ay mahalaga dahil ang mga lokal na responder ang kabilang sa unang kumikilos kapag may sakuna o emergency.

Kasama sa aktibidad sina Konsehal Lou Narciso, Konsehal Gelly Santos, MDRRMO Glenly Monje, at Municipal Administrator Rex Jorge.

Patuloy na isinusulong ng pamahalaang bayan ng Hermosa ang pagpapalakas ng kagamitan, koordinasyon at kahandaan ng mga barangay bilang bahagi ng mga hakbang upang mapababa ang panganib at maprotektahan ang buhay ng mga residente sa panahon ng kalamidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *