By: Alex Q. Galang
OLONGAPO CITY — Isang 35-anyos na lalaki ang naaresto at nasa 6.75 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P45,900, ang nasamsam ng pulisya sa isinagawang search operation sa Barangay Barretto dito noong Martes.
Ayon kay C/Maj. George Francis B. Molina, reviewing officer ng Police Station 6 (PS6) ng Olongapo City Police Office (OCPO), isinagawa ang operasyon dakong alas-5:20 ng hapon noong Setyembre 15 sa No. 36 Albay Street, Barangay Barretto.
Naaresto si alyas “Mike Balat,” 35, binata, walang trabaho at residente ng naturang lugar.
Ipinatupad ng mga tauhan ng PS6 ang Search Warrant No. 2026-77 na inilabas noong Setyembre 14 ni Executive Judge Richard A. Paradeza ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Olongapo City, kaugnay ng paglabag umano sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Molina na isinagawa ang operasyon batay sa Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-038-PRO3-OCPO-PS6.

Nasamsam sa operasyon ang anim na maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may pinagsamang tinatayang timbang na 6.75 gramo.
Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska rin ang isang itim na belt bag, lighter, gunting at iba pang hinihinalang drug paraphernalia.
Dinala sa PS6 ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Isasailalim naman sa laboratory examination ang nakumpiskang substance bilang bahagi ng imbestigasyon at paghahanda sa kaukulang kaso.
Si PSSg. Rodolfo I. Salazar Jr. ang investigator-on-case, habang si Pat. Mar-J M. Gamay ang nagsagawa ng POMIS encoding.
