By: Alex Galang
OLONGAPO CITY — Bagsak sa kulungan ang isang 41-anyos na babae na umano’y sangkot sa ilegal na droga matapos itong masakote sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Barretto, Olongapo City nitong Linggo ng gabi, Hulyo 19.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si May Tugano, alyas “May,” walang trabaho at residente ng Barangay New Kalalake, Olongapo City. Inaresto ito dakong alas-6:20 ng gabi ng mga operatiba ng Police Station 6 Drug Enforcement Unit (SPDEU).
Nasamsam mula sa suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 2.91 gramo at tinatayang may Standard Drug Price (SDP) na ₱19,788.

Narekober din ng mga operatiba ang isang itim na coin purse at ang ₱300 buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Isinagawa ang buy-bust operation sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-029-PRO3-OCPO-PS6, na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek.
Dinala ang suspek at ang lahat ng nakumpiskang ebidensya sa Police Station 6 para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang pinaigting ng Olongapo City Police Office ang kampanya laban sa ilegal na droga at nanawagan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon laban sa mga sangkot sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
