Subic, Zambales – Kinilala si Deputy Speaker at Zambales 1st District Representative Jay Khonghun bilang isa sa mga top-performing congressmen sa Central Luzon matapos makakuha ng mataas na marka sa pinakabagong “Boses ng Bayan” Governance Assessment na isinagawa ng RPMD (Research and Public Management Development) Foundation Inc.
Batay sa resulta ng survey, nanguna sa ranggo sina Rep. Khonghun at San Jose del Monte Representative Arthur Robes matapos makapagtala ng magkaparehong mataas na Index of Governance score na 87.6 porsyento, na nagpapakita ng matibay na tiwala at mataas na antas ng kasiyahan ng publiko sa kanilang pamumuno at serbisyo.
Ipinakita rin sa pag-aaral na kabilang si Khonghun sa mga mambabatas na kinikilala dahil sa kanyang aktibong pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan at mabilis na pag-aksyon sa mga usaping may kinalaman sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan sa Zambales.
Ayon kay Dr. Paul Martinez, Executive Director ng RPMD Foundation Inc., mas pinahahalagahan na ngayon ng mga botante ang mga lider na may konkretong nagagawa para sa kanilang komunidad. “Mas nagtitiwala ang publiko sa mga lider na nakikita nilang kumikilos at tunay na nagrerepresenta sa kanilang boses,” ani Martinez.
Samantala, kabilang din sa mga nangungunang lokal na opisyal sa rehiyon si Olongapo City Mayor Atty. Rolen Paulino Jr., na pumuwesto sa ikapitong puwesto sa hanay ng top-performing city mayors sa Central Luzon. Nakapagtala siya ng 77.7 porsyentong trust rating at 78.1 porsyentong performance rating.
Isinagawa ng RPMD Foundation Inc. ang survey mula Abril 1 hanggang 8, 2026, kung saan lumahok ang 5,000 rehistradong botante mula sa iba’t ibang lalawigan ng Central Luzon upang suriin ang antas ng pagtitiwala at kasiyahan ng publiko sa kanilang mga halal na opisyal.
Ang resulta ng survey ay nagsisilbing patunay sa patuloy na pagpapahalaga ng mamamayan sa mga lider na naghahatid ng mahusay na serbisyo, mabilis na aksyon, at konkretong resulta para sa kanilang mga nasasakupan.
