SAN ANTONIO, ZAMBALES — Sumailalim sa Training and Orientation on Safety at Sea on the Use of Safety and Communication Equipment ang mga miyembro ng Bantay-Dagat mula sa limang bayan sa Zambales bilang bahagi ng pagpapalakas ng kanilang kahandaan at kakayahan sa pagtugon sa mga insidente sa karagatan.

Isinagawa ang Batch 2 training mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 2, 2026, para sa mga kalahok mula sa San Antonio, San Narciso, Iba, Masinloc at Candelaria.

Pinangunahan ang pagsasanay ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) National Marine Fisheries Development Center, sa pamumuno ni Ms. Rhoda S. Bacordo, head/chief ng National Marine Fisheries Development Center.

Aktibong nakibahagi sa programa ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng San Antonio, sa pamumuno ni Ma’am Jennybabe Caabay, kasama si Hon. Councilor Deo Delos Reyes, chair ng Committee on Agriculture.

Nakiisa rin sa pagsasanay ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard (PCG) National Headquarters–Medical Services, kabilang sina Jester V. Picart, Ensign (ENS), at Isaiah Wayne S. Yambao, Apprentice Seaman (ASN).

Layunin ng training na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga miyembro ng Bantay-Dagat sa wastong paggamit ng mga safety at communication equipment habang nasa karagatan.

Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng pagiging handa sa mga hindi inaasahang sitwasyon sa laot, gayundin ang maagap at maayos na pagtugon sa mga insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga mangingisda at iba pang gumagamit ng karagatan.

Bahagi ang programa ng patuloy na pagsusulong ng maritime safety at pangangalaga sa yamang-dagat sa pamamagitan ng mas mahusay na paghahanda at koordinasyon ng mga lokal na Bantay-Dagat at iba pang katuwang na ahensya.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Dok Arvin Antipolo at ang Pamahalaang Bayan ng San Antonio sa DA-BFAR National Marine Fisheries Development Center, sa pangunguna ni Bacordo, sa Philippine Coast Guard National Headquarters–Medical Services, at sa mga bayan at kalahok na naging bahagi ng programa.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, national government agencies at Bantay-Dagat, layunin ng programa na makatulong sa pagtataguyod ng mas ligtas na karagatan, mas handang komunidad at pangangalaga sa yamang-dagat ng Zambales.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *