By: Alex Q. Galang
OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 46-anyos na babae sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Barretto, Olongapo City, noong Oktubre 9, matapos makumpiska sa kaniya ang tinatayang 1.98 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱13,464.
Kinilala ni Police Major George Francis B. Molina, hepe ng Police Station 6, ang suspek na si Mary Joan Gonzales y Gapayao, alyas “MJ,” residente ng Purok 3, Tolentino Street, Barangay Barretto.
Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon dakong alas-8:35 ng gabi sa Abra Street, Barangay Barretto, ng Drug Enforcement Unit ng Police Station 6 (SPDEU), katuwang ang Olongapo City Maritime Police Station (MARPSTA).

Nasamsam sa operasyon ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may pinagsamang timbang na humigit-kumulang 1.98 gramo. Narekober din ang ₱300 na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 6 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Patuloy namang isinasagawa ng pulisya ang mga operasyon laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa lungsod.
Ang suspek ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa hukuman.
