Photo by: Pamahalaang Bayan ng Morong, Bataan
MORONG, BATAAN — Namahagi ng tulong-pinansyal ang Pamahalaang Bayan ng Morong sa mga rehistradong solo parent sa bayan kamakailan, bilang bahagi ng mas pinalawak na programa ng lokal na pamahalaan para sa mga nag-iisang magulang.
Ginanap ang Solo Parent Financial Assistance Payout sa Morong Municipal Hall sa pangunguna ni Mayor Leila G. Linao-Muñoz. Layunin ng pamamahagi na maibsan ang pang-araw-araw na gastusin ng mga pamilyang umaasa lamang sa iisang nagtataguyod.

Photo by: Pamahalaang Bayan ng Morong, Bataan
Ayon kay Mayor Linao-Muñoz, na isang ina rin, batid ng lokal na pamahalaan ang mabibigat na sakripisyo at hamon na kinakaharap ng mga solo parent upang maitaguyod ang kanilang mga anak.
“Hindi lamang pinansyal na tulong ang hatid ng programang ito, kundi isang malinaw na mensahe na sa Morong, hindi nag-iisa ang bawat solo parent,” pahayag ng alkalde. “May pamahalaang handang umalalay, makinig, at kumalinga sa bawat pamilyang patuloy na nagsusumikap para sa mas maayos na kinabukasan.”
Ang naturang distribwasyon ay bahagi ng serye ng mga programang panlipunan ng Morong na nakatutok sa pagbibigay ng seguridad, pag-asa, at malasakit sa iba’t ibang sektor ng komunidad. Tiniyak din ng lokal na pamahalaan na patuloy nitong isusulong ang mga batas at ordinansa na magpapanatili sa mga benepisyong ito para sa mga nag-iisang magulang.
