SAN FELIPE, Zambales – Sa kabila ng mas pinaiigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na konstruksyon sa baybayin, isang resort sa Barangay Amagna, Liwliwa ang nahuling patuloy na nagpapagawa ng pagpapalawak at naglalagay ng bakod—sa mismong tabi ng karatulang nagbabawal sa naturang gawain.
Nitong Lunes, sabay na nagsagawa ng inspeksyon ang mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pangunguna ni CENRO Head Edward Sernadilla, at ang lokal na pamahalaan ng San Felipe sa baybayin ng Liwliwa at Barangay Amagna.
Nadatnan nila ang patuloy na pagtatayo ng isang resort sa nasabing lugar. Kasabay nito ay muling naglagay ng mga signage o babala ang ahensya upang paalalahanan ang publiko na ang nasabing lupa ay bahagi ng accretion area at hindi maaaring tayuan ng anumang permanenteng istruktura.
Ayon kay Sernadilla, matagal nang ipinagbabawal ng DENR ang pagtatayo ng mga konkretong gusali sa accretion areas dahil sa panganib na dulot nito hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa kaligtasan ng publiko.

“Ang mga accretion lands sa Liwliwa ay matagal nang inanunsyo na danger zones kung saan ipinagbabawal ang mga permanenteng istruktura dahil sa panganib ng pagguho at pagkasira ng mga ito sa panahon ng bagyo at storm surge,” ani Sernadilla.
Paliwanag naman ni Atty. Marife Castillo, head ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng DENR, ang mga nasabing lupain ay maaaring bawiin ng dagat anumang oras, lalo na sa panahon ng malalakas na unos.
Sa nakalipas na mga buwan, paulit-ulit nang nagbabala ang DENR laban sa ilegal na konstruksyon sa naturang lugar.
Gayunpaman, patuloy pa rin umano ang ilang resort owners sa pagtatayo ng kanilang mga istruktura sa kabila ng mga Notice of Violation na inilabas laban sa kanila.
Ayon pa kay Castillo “Karamihan sa mga nasirang resort at bahay sa Zambales noong nakaraang bagyo ay iligal na itinayo sa no-build zone.”
Nahaharap na ngayon sa posibleng kaso at pagpapadala ng cease and desist order ang mga naturang resort matapos ang kanilang paglabag sa Building Code at sa mga alituntunin ng DENR tungkol sa foreshore at accretion areas.

Dagdag pa ng opisyal Ang mga accretion areas ay hindi maaaring tayuan ng anumang istraktura dahil ito ay unclassified at hindi pwedeng patituluhan.”
Samantala, nasamsam din ng mga awtoridad ang tatlong dump truck at isang heavy equipment na nahuling humahakot ng buhangin sa accretion area sa Barangay Amagna.
Nanawagan naman ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Zambales sa mga resort owners na makipag-ugnayan sa ahensya upang gawing legal ang kanilang operasyon sa ilalim ng programang inilunsad kamakailan.
Patuloy ang imbestigasyon ng DENR at lokal na pamahalaan upang masiguro ang pagsunod sa batas at kaligtasan ng publiko sa baybayin ng Liwliwa.
Nagbabala naman ang pamahalaang lokal na mananagot sa batas ang sinumang mahuhuling lalabag sa naturang utos.
